Masaya ka nga ba? Naniniwala ka bang malaya ka na?
Buong tapang na ipinaglaban ng ating mga ninuno ang ating kalayaan buhat sa mga dayuhang manunupil. Maraming mga Pilipino ang nagbuwis ng kanilang buhay upang ang ating kalayaan buhat sa mga dayuhang mananakop ay ating makamtan. Simula sa Mactan hanggang sa ipagdiwang ang unang Araw ng Kalayaan noong 1898 sa Kawit, Cavite, buong giting na iwinagawgaw ng ating mga ninuno ang bandilang Pilipino.
Isang obra na ipinapakita ang labanan ng mga kawal ni Lapu-lapu at Magellan sa dalampasigan ng Mactan. Ito ay matatagpuan sa Lapu-Lapu Shrine sa Isla ng Mactan., Cebu |
Ang lapidang ito ay matatagpuan sa Lapu-Lapu Shrine, Isla ng Mactan, Cebu |
Monumento ni Lapu-lapu , ang kauna-unahang bayaning Filipino. Ito ay matatagpuan sa Lapu-lapu Shrine, Isla ng Mactan, Cebu |
Ayon sa tour guide sa dakong ito, nakalibing ang ulo ni Magellan sa monumentong ito samantalang ang kanyang katawan naman ay muling naiuwi sa Espanya . |
Ito naman ang mga larawang kinuha buhat sa iba't ibang anggulo ng PARIAN MONUMENT, ang bantayog na nagpapahalaga sa kasaysayan ng mga Filipino, higit sa lahat sa mga labanang naganap sa lalawigan ng Cebu.
Nguni't tunay nga bang malaya na ang mga Filipino?
Wala na ang mga Kastilang mapanlinlang. Wala na rin ang mga Hapones na gahaman. Wala na rin ang mga Amerikanong imperyalista. Tunay ngang nakamit na natin ang ating kasarinlan. Nguni't ang lahat ng mga anino ng mga banyagang ito ay tila ipinamana nila sa ibang mga kababayan natin na patuloy na nililinlang ang kanilang kapwa Pilipino, mga Pilipinong wari mo'y mga Hapon sa pagkagahaman sa kapangyarihan at salapi at mga kapwa nating Pilipino na wari'y mga Amerikano sa pagiging mataas, mapagmalabis at mapang-api.
ITO ANG BAGONG HAMON SA MAKABAGONG PILIPINO . . . ANG MAKAKAWALA SA TANIKALA NG MGA KAPWA PILIPINONG MAPANG-API, SAKIM AT MAKASARILI; ANG MAKAALPAS SA MGA TAONG PATULOY NA KINUKUPKOP ANG MGA KAISIPANG BANYAGA NA UNTI-UNTING KUMIKITIL SA ATING MAKABAYANG ADHIKAIN.
Bangon makabagong Filipino! Buong lakas nating kalasin ang mga kadenang buong higpit na nakapulupot sa atin lahi at katauhan. Magpumiglas tayo at sikaping makaalpas sa mahigpit na pagkakatali sa kahirapan dala ng mga pagmamalupit at pang-aabuso ng mga kapwa nating Filipinong nasa kapangyarihan at nakaaangat sa buhay!
KAPAG ATING MAPAGTAGUMPAYAN ANG MGA HAMONG ITO, MASASABI NATIN NA TUNAY NGANG MALAYA NA ANG MGA PILIPINO!
Ito ang tunay na ARAW NG KALAYAAN na dapat ipagbunyi at ipagpasalamat!
No comments:
Post a Comment